22 Agosto 2007:
Matapos ang mahigit sa isang linggong pahinga, ako ay muling pumasok sa paaralan para sa bagong kabanta ng pag-aaral. Natutuwa ako dahil tatlong beses lang akong papasok sa isang linggo at iyon ay tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes. Nakakatuwa nga naman na mayroon akong mahabang panahon para gawin ang aking mga takdang gawain. Ang ayoko lang sa bagong kabanta ng pag-aaral na ito ay maaga ang pasok ko. Sa totoo lang, mas maaga ang pasok ko noong ako ay nasa mataas na paaralan. Noon, 7:30 ng umaga ay simula na ng klase. Ngayong kabanta ng pag-aaral, 8:00 ng umaga ang simula ng klase ko, mas maaga ng isang oras ang simula, kung ihahambing sa nakaraang kabanta ng pag-aaral. Gumigising ako ng 6:00 ng umaga, pareho rin sa oras ng paggising ko noong ako ay nasa mataas na paaralan. Ang kaibahan lang ng dalawa ay napakalamig ng umaga dito, kung ihahambing doon. Nakikita ko na nga ang sarili ko na putol ang aking hita o braso dahil sobrang manhid na siya sa lamig. Sa tingin ko naman ay malalampasan ko ang nginig ng lamig dito.
Masasabi kong hindi maganda ang simula ng araw ko. Nagising ako ng 6:00, pero matagal-tagal rin bago ako bumangon. Mabilis naman akong nakapag-ayos, ngunit hindi na ako kumain ng almusal dahil mahuhuli ako sa klase. Naaalala ko tuloy ang matamis na nakaraan. Sumabay ako sa tatay ko papunta sa paaralan. Mabilis naman kaming nakarating sa paaralan.
Pagdating ko sa paaralan, kahit na mabilis ang lakad ko dahil mahuhuli na ako sa klase at hahanapin ko pa ang silid, nakita ko na sobrang daming tao ngayon, kung ihahambing sa nakaraang kabanta ng pag-aaral. Ang mga tao dito kasi sa panahong ito sila nagsisimula ng klase, mas huli kung ihahambing sa atin. Doon sa aking unang klase, hindi naman ako nahuli at madali kong nahanap ang silid. Tama naman ang pinasukan kong silid, dahil tinanong ko ang katabi ko sa upuan kung nasa tamang klase ako.
Ang silid ng una kong klase ay halos nasa dulo ng pasilyo. Medyo nakakatakot ang gusali dahil medyo madilim siya at maraming kailangang ayusin sa gusaling iyon. Malamig din sa aming silid, pero mas mainit sa labas ng gusali. Makapal-kapal naman ang suot kong damit ngunit kailangan ko yata ng damit na panlamig para mas maginhawa ang pakiramdam ko. Ayos naman ang mga kamag-aral ko. Mabait naman ang guro namin. May nakita akong isang dating kamag-aral mula sa nakaraang kabanata ng pag-aaral, ngunit napadaan lang siya sa silid namin. Pinag-usapan lang naman ang tungkol sa klase, mga ilang patakaran, at iba pa. Pagkatapos ng klase ay pumunta kaagad ako sa susunod kong klase na nasa kabilang gusali.
Habang papunta na ako sa gusali, lalo akong nagulat sa dami ng tao sa paaralan. Hindi mo maiiwasang makabunggo ng isang tao habang naglalakad. Pagpasok ko sa silid ay marami pa rin ang tao. Medyo naligaw ako papunta sa silid. Naligaw lang naman ako sa isang palapag. Medyo duluhan din ng pasilyo ang silid namin. Nang pumasok ako sa silid, tinanong ko ang isang tao doon kung ako ay nasa tamang klase. Hindi naman ako naliligaw. Muli, maayos ang mga kamag-aral ko at guro. Halos pareho rin sa nakaraang klase ang pinag-usapan namin sa klaseng ito, ngunit mas tinutukan ng guro ang mga patakaran sa klase. Nang matapos ang klase, ako ay bumaba ng isang palapag sa gusaling iyon para sa susunod kong klase.
Muli, halos nasa duluhan na ang silid namin. Habang naghihintay, tinanong ko ang isang babae doon kung pareho kami ng hinihintay na klase. Muli, hindi ako naliligaw. Matapos ang ilang sandali ay may nakita kong isang dating kamag-aral mula sa nakaraang kabanta ng pag-aaral. Nagkataon naman na pareho kami ng hinihintay ng klase. Natuwa ako dahil kahit paano ay may kilala ako. Nagkataon din naman na kilala ng kaklase kong iyon ang guro naming sa klase. Maayos naman ang klase. Wala naming kakaibang pangyayari ang naganap. Matapos ng klase ay kasama kong umalis ang kaklase ko noong nakaraang kabanta ng pag-aaral. Nag-uusap kami habang papalabas kami sa gusali. Hinahanap niya ang mga kaibigan niya at mabuti na lang ay nakita niya sila nang lumabas kami sa gusali. Habang kasama na niya ang mga kaibigan niya, tumungo naman ako sa silid kainan. Pagkakain ko ay tumungo agad ako sa susunod kong klase.
Halos maligaw-ligaw na naman ako papunta sa silid aralan. Nang makita ko na ang silid ay tinanong ko ang mga taong naghihintay doon kung ako ay nasa tamang klase. At muli, hindi ako naliligaw. Nang sumapit na ang oras para magsimula ang klase, apat lang kaming nasa harap ng silid. Nang pumasok kami sa silid, tinanong ko ang gurong nandoon kung kami ay nasa tamang silid. Pinakita ng isa sa amin ang talatakdaan niya, tinuro sa amin ng guro ang tamang silid. Nakakainis nga naman talaga. Habang papunta kami sa silid ay pinag-uusapan namin ang maaaring sabihin ng mga kamag-aral naming at guro. Sabi ko naman ay hindi naman kami dapat sisihin dahil malay ba namin na doon ang silid. Lalong nakakainis nga naman nang makita naming walang katau-tao ang silid. May nakita akong papel na nakapaskil sa harapan na nagsasabing wala kaming klase sa araw na ito. Napakapalabiro nga naman ng buhay. Habang papalabas na kami ng silid ay may nakasalubong kaming mga kamag-aral namin. Ibinahagi na rin namin sa kanila ang balita. Mabuti na lang at iyon ang huling klase ko sa araw na ito. Matapos kong kunin ang mga biniling libro sa tindahan, umuwi na kaagad ako.
Sa ngayon, natutuwa akong mag-aaral uli ako. Medyo nagulat lang ako dahil sa lahat ng klase ko, binibigyan nila ng malaking pansin ang pagdalo sa klase. Sa isang klase, lagging may pagsusulit sa simula ng klase. Sa isang klase naman, hindi raw makakahabol ang mag-aaral kung huli siyang dumating sa klase. Sa isa naman, babagsak ka sa klase kapag ilang beses kang hindi dumalo sa klase. Natutuwa naman ako sa ganoong patakaran. Ang sa akin lang, sana magkaroon na rin ako ng kaibigan. Meron lang akong mga nakaka-usap, pero hindi ko sila maituring na tunay na kaibigan. Kakwentuhan lang kung baga. Sana ay maganda ang mga makukuha kong marka, kahit na panay mahihirap na klase ang pinasukan ko ngayon. Ipanalangin niyo po sana ako para sa isang maayos na kabanata ng pag-aaral.






